Sistema ng Pagboto na Dominion Democracy Suite

Ang Opisina ng Kalihim ng Estado ng California ay nagpapatakbo ng isa sa pinakamahigpit na mga programa sa pagsubok at sertipikasyon ng mga sistema ng pagboto sa bansa. Bago sertipikahan para sa paggamit, lahat ng sistema ng pagboto ay dumadaan sa dulo-sa-dulong pagsubok kabilang ang pagsubok sa pagganap, pagsusuri ng source code, pagsubok sa seguridad ng pulang pangkat na may mga ekspertong nagtatangkang “pasukin” ang sistema ng pagboto, pagsubok sa kadaliang magamit, at pagsubok sa dami.

Bilang pagsunod sa mga pamantayan sa sertipikasyon ng Kalihim ng Estado, walang bahagi ng sistema ng pagboto na Democracy Suite na nagkokonekta sa Internet sa anumang oras. Ang sistema ay hindi tumatanggap o naghahatid ng mga datos ng halalan sa anumang uri ng panlabas na network ng komunikasyon. Ang sistema ay gumagawa ng encryption ng mga datos at nag-aatas ng matagumpay na pagkumpleto ng dalawang-factor na proseso ng pagpapatunay bago magamit ng sinuman ang mga datos.

Sa paggamit ng Democracy Suite, lahat ng balota sa halalan sa County ng San Mateo ay magiging mga papel na balota, tinitiyak ang isang pisikal na landas ng pagsusuri. Makikita ng mga botanteng gumagamit ng mga ballot marking tablet ang kanilang mga pinili na nakalimbag sa kanilang balota bago ihulog ang kanilang balota sa Kahong Hulugan ng Balota. Bilang karagdagan, kabilang sa Democracy Suite System ang isang kumpletong landas ng pagsusuri sa antas ng balota.. Habang dumaaan sa pag-scan ang mga balota, ang isang digital na larawan ng bawat balota ay nililikha, at nilalakip sa bawat larawan ang isang rekord kung paano binibigyang-kahulugan ng sistema ng pagboto ang intensiyon ng botante. Ito ay tumutulong na tiyakin ang isang tumpak, malinaw at masusuring proseso ng halalan.